Mga dapat gawin kapag nakagat ng aso at pusa

Share:

Marami ng bunga ng sakit ang lumalaganap ngayon at isang dahilan ng pagkamatay ay nakukuha mula sa kagat ng hayop.

Ang kagat ng mga alagang hayop tulad ng aso at pusa ayon sa matagal nang pag-aaral ay nakamamatay dahil ito ay maaaring magdulot ng rabies.

Sa bawat taon, 600 Pilipino ang namamatay sa rabies at 100,000 naman ang binabakunahan laban sa rabies.



Hindi lamang aso at pusa ang mayroong kamandag ng rabies, kundi pati daga at paniki ay may dalang sakit din na ito.

Ayon sa batikang doktor na si Doc Willie T. Ong, ang rabies ay hindi lamang nakukuha sa kagat kundi pati na rin sa kalmot ng alagang hayop partikular na sa pusa.

Ang saliva o laway ng isang pusa ay naisasalin sa kanilang mga kuko tuwing sila ay naglilinis ng kanilang katawan, kung kaya't dapat ingatan ding huwag magpakalmot sa alagang pusa kahit gaano pa ito kababaw.

Ayon pa sa ibang pag-aaral, matagal umepekto ang rabies sa kalmot ng pusa na minsan pa umano'y tumatagal ng taon bago lumabas ang mga sintomas.

Kapag ang isang tao naman na nakagat ay nalagyan ng rabies sa ano mang bahagi ng katawan, maghihintay pa ng 3 hanggang 8 linggo bago magkakaroon ng sintomas.

Malala ang kalalagyan ng taong nakagat bandang ulo dahil madaling kakalat ang rabies sa utak nito na magdudulot ng pagkasira ng utak.

Ang mga sintomas ng rabies ay mag-uumpisa sa pamamanhid sa lugar ng sugat hanggang mauuwi sa pagwawala, paglalaway at paninigas ng mukha.

Ayon din kay Doc Ong, kapag nagkaroon na ng sintomas ng rabies ay mahirap na itong gamutin. Dahil dito, kailangan maagapan ang lahat ng kagat ng aso at pusa.

Sabi pa niya, makakatulong ang mga paunang lunas upang maiwasan ang malalang kalalagyan ng nakagat.

First-Aid Sa Kagat Ng Aso at Pusa ayon kay Doc Willie Ong:
1. Hugasan ang sugat gamit ang sabon at tubig sa loob ng 10 minuto.
2. Lagyan ng povidone iodine ang sugat. Huwag lagyan ng ointment o takpan ng masikip ang sugat. Gusto nating lumabas ang laway ng hayop na posibleng may dala ng rabies.
3. Tandaan: Huwag lagyan ng bawang, suka, patis o toyo ang sugat. Hindi ito nakagagamot at baka magdulot pa ng tetanus.
4. Dalhin kaagad ang pasyente sa ospital o Animal Bite Center tulad ng PGH sa Taft Avenue, San Lazaro Hospital sa Tayuman, Manila, RITM sa Alabang at mga malalaking ospital.
5. Hulihin ang aso at obserbahan ito ng 10 araw. Kapag nagpakita ang aso ng senyales ng rabies (naglalaway at nagwawala), dalhin ito sa nakatakdang ospital (tulad ng RITM) para ma-eksamen ang utak ng hayop.

Kailan Nagbibigay Ng Bakuna ayon kay Doc Willie Ong:
1. Kapag nalawayan ka lang ng hayop at wala namang sugat sa balat, ligtas ito at hindi kailangang magpabakuna.
2. Ngunit kapag nakagat ng hayop at may sugat, kailangan ng bakuna laban sa rabies. Obserbahan ang aso ng 10 araw. Kapag walang nangyari sa hayop, ang ibig sabihin ay wala itong rabies at ligtas ang pasyente.
3. Kapag malalim ang kagat ng aso, o nakagat sa bandang mukha o leeg, kailangan agad bigyan ng bakuna at gamot ang pasyente. Dalhin agad sa mga nabanggit na ospital.

Tips Para Makaiwas Sa Rabies ayon kay Doc Willie Ong:
1. Para makaiwas sa sakuna at makasakit ng ibang tao, pabakunahan ang inyong mga alagang aso.
2. Huwag hayaang makawala ang aso at lagyan ito ng tali.
3. I-report ang gumagalang aso sa awtoridad.
4. Kapag naglalakad sa kalsada, magdala ng payong para may pang-taboy kayo ng aso.
5. Huwag hayaan ang bata na maglaro sa hindi ninyo alagang hayop.
6. Huwag guguluhin ang mga hayop habang sila ay kumakain, natutulog o nag-aalaga ng kanilang anak.
7. Kapag may sugat kayo sa katawan, huwag hayaang dilaan ng aso ang iyong sugat at baka mahawahan ka ng rabies virus.
8. Sa mga nag-aalaga ng hayop, puwede kayong magpabakuna na laban sa rabies. Kumonsulta sa inyong doktor.

Mainam pa rin na ipakunsulta ang maliit na kagat ng isang hayop nabakunahan man ito o hindi ng anti-rabies, mainam na rin maging maagap kaysa mauwi sa iyong pagkasawi.

(courtesy: Doc Willie T. Ong)

2 comments:

  1. Nakalmot po ako ng pusa maraming beses. Kailangan ko po ba magpabakuna? Kahit pang 6 days na po ngaun?

    ReplyDelete
  2. Naku mahirap po talagang makagat ng aso, at kahit na po sarili nating alaga ingat din po tayo kasi kahit sarili nating alaga may disgraya po na mangyri po yan. Kaya naku doble ingat po😇

    ReplyDelete